-- Advertisements --

Ibinahagi ng legal counsel ng Atienza Shipping na si Atty. Richard delos Reyes na 134 lamang ang sakay ng M/V June Aster nang sumiklab ang sunog sa karagatan ng Coron, Palawan, malayo sa tinatayang kapasidad nitong nasa 300 katao.

Ayon kay Delos Reyes, nasa 117 ang mga pasahero at 17 ang crew batay sa manifest ng barko.

Kinumpirma rin ng Philipine Coast Guard na 134 ang kabuuang nakalista sa manifest.

Sinabi ni delos Reyes na hindi pa matukoy ng kumpanya ang sanhi ng sunog dahil magkakaiba ang mga pahayag ng survivors.

Hindi rin aniya maaaring agad iugnay ang insidente sa exhaust o sa mga kargadong sasakyan dahil hinihintay pa ang opisyal na resulta ng imbestigasyon.

Samantala, Hindi pa rin makontak ng shipping line ang kapitan ng M/V June Aster, bagama’t naniniwala ang kumpanya na nakaligtas ito.

Sinabi ni delos Reyes na hihingan nila ng paliwanag ang kapitan kapag nakumpirma na ang kinaroroonan nito.

Giit pa ng kumpanya, dumaan sa pre-departure inspection ang barko at kumpleto umano ang mga dokumento, kabilang ang certificate of public convenience at insurance.

Sinabi rin ni delos Reyes na maaaring makatulong ang CCTV footage ng barko sa imbestigasyon,

kung may online backup o makukuhang kopya matapos masunog ang sasakyang-dagat.