Bibiyahe patungo sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa sa Asya ang isang US ranking official na responsable sa arms control at international security sa susunod na linggo.
Ito ay upang talakayin ang iba’t ibang larangan ng kooperasyon, kabilang ang nuclear energy na bahagi ng pakikipagtulungan ng Amerika sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Darating sa bansa si Undersecretary for Arms Control at International Security Ambassador ng US State Department na si Bonnie Jenkins sa Maynila sa Setyembre 5.
Magsasagawa si Jenkins ng tatlong araw na pagpupulong kasama ang mga matataas na opisyal ng Pilipinas at mga kasosyo sa lipunang sibil upang talakayin ang kooperasyon ng civil nuclear energy, strategic trade control, at pandaigdigang seguridad sa kalusugan.
Ang pagbisita ni Jenkin sa Pilipinas ay bahagi ng kanyang three-leg Asian visit, na kinabibilangan ng mga biyahe sa Vietnam at Singapore.
Ayon sa US Department, ang layunin ng kanyang paglalakbay ay “upang makipagkita sa mga kaalyado at kasosyo ng US upang palawakin ang kooperasyon sa pandaigdigang seguridad sa kalusugan, counterproliferation, conventional weapons destruction, civil-nuclear partnership, export controls at strategic trade.”
Tatalakayin din niya ang “implementasyon ng women, peace, and security agenda at lahat ng pangunahing elemento ng pangako ng US sa panrehiyong seguridad sa isang libre at bukas na rehiyon ng Indo-Pacific.”