BAGUIO CITY – Ligtas na natagpuan ang bise alkalde ng Tinoc, Ifugao, na una nang napaulat na nawawala noon pang July 19.
Batay sa post ng kanyang anak sa social media, natagpuan si Tinoc, Ifugao Vice Mayor Fernando Gapuz na nasa mabuting kalagayan at nasa tahanan na nila ito sa Impugong sa nasabing bayan.
Ipinahayag din ng pamilya Gapuz ang lubos nilang pasasalamat sa lahat ng mga tumulong para matagpuan ang kanilang ama.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo sa Tinoc Municipal Police, tumanggi silang magbigay ng karagdagang impormasyon ukol sa isyu.
Gayunman, sinabi nila na patuloy ang pag-imbestiga nila sa tunay na nangyari sa nasabing opisyal dahil magulo pa ang mga detalye.
Una rito, July 19 nang magtungo si Vice Mayor Gapuz sa Benguet para sa isang official business kung saan sumakay ito ng pampasaherong bus at bumaba sa Abatan, Buguias.
Huling nakita sa video footage ng closed circuit television camera ang pagtungo ng bise alkalde sa Mankayan, Benguet, hanggang sa hindi na ito natagpuan.
















