-- Advertisements --

Mainit na tinanggap ng TINGOG Party-list ang mga lider-kabataan mula sa Tayo ang Taya (TAYA) Coalition sa kanilang pagbisita sa Kamara de Representantes bilang suporta sa layunin ng grupo na palakasin ang boses ng kabataan at isulong ang kanilang pakikilahok sa paggawa ng batas.

Ang TAYA Coalition ay binuo ng mga student leaders at youth advocates mula sa iba’t ibang nangungunang unibersidad sa bansa.

Kamakailan, isinagawa nila ang YANIG: A Youth Summit at the University of the Philippines Diliman kung saan mahigit 200 youth leaders ang nagtipon upang talakayin ang mahahalagang isyu at bumuo ng 5-point Youth Manifesto para sa ika-20 Kongreso.

Sa kanilang courtesy visit, kinatawan ng TINGOG Party-list si Rep. Jude Acidre, na siya ring tagapangulo ng House Committee on Higher and Technical Education at commissioner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).

Muling iginiit ng TINGOG na gagawing panukalang bats ang mga panukalang inilatag ng mga kabataan upang maisulong ang kanilang kapakanan.

Ayon kay Acidre, karamihan sa nilalaman ng TAYA manifesto—gaya ng reporma sa edukasyon, suporta sa mental health, good governance , at maingat na paggamit ng teknolohiya—ay kasabay ng agenda na isinusulong ng TINGOG sa 20th Congress.

Nagpahayag ng kahandaan ang TINGOG na makipagtulungan sa TAYA Coalition para suriin at ayusin ang mga pangunahing mungkahi mula sa manifesto bago ihain sa Kongreso.