-- Advertisements --

Nag-alay ng banal na misa ang simbahan ng Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o mas kilala bilang The Manila Cathedral para sa gaganaping conclave ngayong araw.

Kung saan isinagawa ang unang misa bandang pasado alas-syete ng umaga, May 7, 2025 bilang pakikiisa sa mga kardinal na nakatakdang pumili ng panibagong Santo Papa.

Pinangunahan mismo ni Fr. Vicente ‘Viel’ Gabriel Bautista, vice rector ng The Manila Cathedral ang selebrasyon ng banal na misa.

Bahagi ng kanyang naging homiliya, inihayag niya na ang araw na ito ay siyang maituturing din na makasaysayan sapagkat aniya’y papasok muli sa loob ng Sistine Chapel ng Vatican ang higit isang daang kardinal upang lubos na idalangin, pagnilayan at maghalal ng panibagong lider ng simbahang Katolika.

“Today marks a significant day of our history, later on Europe time our dear cardinals will be inside the Sistine Chapel at the Vatican to pray, discern and elect a new pope,” ani Fr. Vicente ‘Viel’ Gabriel Bautista, vice rector ng The Manila Cathedral.

Dagdag pa rito, hinimok din ng naturang pari na huwag lamang tumingin o ibaling ang atensyon sa mga kanya kanyang mga ‘personal qualifications’ na hanap sa isang santo papa.

Ngunit inanyayahan din niya ang mga mananampalataya na makiisa sa panalangin at idulog sa Panginoon na gawaran ng grasya ang mapipiling Santo Papa na nawa’y nakaugat ang kanyang pagmiministro sa kung anong layunin ng Diyos.

Kaya naman patuloy niyang iniimbitahan ang lahat na huwag lamang iasa sa magiging susunod na Santo Papa ang gawain ng simbahan bagkus panawagan niya sa mga Katoliko na makibahagi sa pagmimisyon na ipamalas at maiparamdam sa kapwa ang katuruan at pagmamahal ng Diyos.