Pumayag na ang Thailand at Cambodia na tanggapin ang Malaysia bilang tagapamagitan sa kanilang sigalot sa hangganan, ayon kay Malaysian Foreign Minister Mohamad Hasan nitong Linggo.
Inaasahang darating sa Malaysia sa Lunes ng gabi sina Cambodian Prime Minister Hun Manet at Thai Acting Prime Minister Phumtham Wechayachai para sa pag-uusap.
Ani Mohamad sa panayam ng Bernama may buong tiwala ang dalawang bansa sa Malaysia at hiningi rin umano na maging tagapamagitan ang bansa. Dagdag pa niya, nagkasundo ang dalawang bansa na walang ibang bansang ang makikialam sa isyu.
Ang negosasyon ay kasunod ng panukalang ceasefire ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim noong Biyernes. Samantala, sinabi ni U.S. President Donald Trump nitong Sabado na pumayag na ang dalawang lider na magtulungan para sa tigil-putukan.
Nangyari ito apat na araw matapos sumiklab ang pinakamalalang labanan sa higit isang dekada, kung saan mahigit 30 katao ang nasawi, kabilang ang 13 sibilyan sa Thailand at 8 sa Cambodia.
Mahigit 200,000 residente rin ang lumikas mula sa mga lugar sa border sa rehiyon, ayon sa mga awtoridad.