CENTRAL MINDANAO – Pinangunahan ni City Mayor Joseph Evangelista ang pagbibigay ng temporary learning shelter (TLS) para sa mga day care pupils ng Barangay Nuangan sa lungsod ng Kidapawan.
Tulong ng city government ang nabanggit na pasilidad para sa mga day care centers na napinsala dala ng mga paglindol noong October 2019.
Kaagapay ng city government ang With Love Jan Foundation Incorporated sa pagpapatayo ng nabanggit na pasilidad na matatagpuan sa bakuran ng Nuangan Barangay Hall.
Sa pamamagitan ng TLS ay hindi na mahihirapan ang mga day care pupils na matuto sa loob ng pasilidad dahil makakasilong na sila rito sa panahon ng ulan o ‘di kaya ay tuwing mainit ang panahon, wika pa ni Mayor Evangelista sa turn over ceremony.
Ka-partner na ng city government ang With Love Jan sa education health and nutrition programs simula pa noong 2015.
Una nang nag-usap sina Mayor Evangelista at With Love Jan President Dr. Bernie Miguel noong January 2020 sa mga posibleng tulong na ipapaabot para sa pagsasaayos ng ilang silid aralan at mga pasilidad na nasira sa kasagsagan ng mga paglindol.
Pasasalamat naman ang ipinapaabot ng mga barangay officials at mga magulang ng day care pupils sa city government at With Love Jan.
Inihayag din ni Mayor Evangelista na makatatanggap ng P200,000 na tulong ang Nuangan para naman sa pagsasa-ayos ng nasirang barangay Hall.
Sa pamamagitan nito ay mas magiging madali na lang sa mga opisyal ng barangay na maglingkod at magbigay serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.