CENTRAL MINDANAO-Anim na mga kooperatiba ang makatatanggap ng tig P200,000 o kabuuang P1.2M na pautang mula sa City Government of Kidapawan.
Ito ang ipinahayag ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa kanyang pakikipag-usap sa mga opisyal at miyembro ng mga kooperatiba sa session hall ng Liga ng mga Barangay,kung saan dumalo rin sa pulong si ABC President at Ex Oficio Morgan Melodias.
Mula ito sa Livelihood Fund ng City Government na naglalayong
tulungan ang mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na pondo, ayon kay Mayor Evangelista.
Kabilang ang mga sumusunod na kooperatiba sa makikinabang sa hakbang kung saan nakapagsumite na rin ng kani-kanilang project proposal – AGJOAN Multi-Purpose Cooperative (Barangay San Isidro), Birada MPC (Barangay Birada), Kidapawan pangkabuhayan Marketing Cooperative (Barangay Poblacion), Macebolig Farmers MPC (Barangay Macebolig), Stanfilco Kidapawan Consumer Cooperative (Barangay Sudapin), at Sumbac MPC (Barangay Sumbac).
Lahat sila ay naglalayong gamitin ang matatanggap na pondo bilang dagdag o additional capital for consumer store at dagdag na pautang na rin para sa mga miyembro.
Agad ding sinimulan ng mga representante ng naturang mga kooperatiba ang pag-comply sa mga requirements na hinihingi ng City Cooperative Development Office o CCDO.
Maliban sa Project Proposal, ilan din sa mga kailangang isinumite ay Letter of Intent, Certificate of Registration, Audited Financial Statement (3 years), Board Resolution at iba pa.
Kaugnay nito, hinikayat ni City Cooperative Officer Dometillo B. Bernabe ang mga beneficiaries na isumite na agad ang mga requirements sa kanilang opisina upang ito ay masur isa lalong madaling panahon.
Samantala, ipinanukala naman ni Mayor Evangelista na amiyendahan ang Executive Order 058 o ang Livelihood Fund Management Committee sa layuning mapabilis ang ayuda o tulong sa mga kooperatiba sa lungsod.
Binigyang-diin ng alkalde na isa sa mga nakikitang pagbabago sa ordinansa ay kung mahusay naman ang performance ng isang kooperatiba sa loob ng isang taon ay hindi na kailangang mag-antay pa ito ng tatlong taon bago makinabang sa pautang o ayuda ng City Government.