NBC news

Kinumpirma ng pamunuan ng malaking news organization sa Amerika na NBC News na pumanaw na ang isa nilang empleyado dahil sa komplikasyon sa coronavirus.

Kinilala ni NBC News Chairman Andrew Lack ang kanilang kawani na si Larry Edgeworth, 61, na meron ding dinaramdam na ibang sakit nang mahawa sa COVID-19.

Si Edgeworth ay 25 taon na rin sa NBC News na nakatalaga sa equipment room hanggang sa maging audio technician.

Ang naturang audio engineer ay bumiyahe na rin sa maraming mga bansa kaugnay ng malalaking coverages ng kanilang news network.

“These past few days have been unimaginably challenging for us all. And we know there will be more challenges and uncertainty ahead,” ani Lack sa statement. “Many of you were fortunate enough to work with Larry over the years, so you know that he was the guy you wanted by your side no matter where you were.”