Hinikayat ng isang mambabatas ang mga taxpayers na maghain ng kanilang income tax returns sa lalong madaling panahon o bago ang deadline sa Abril 17.
Sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian, na responsibilidad ng mga Pilipino na magbayad ng tamang halaga ng buwis.
Aniya, bilang mga responsableng mamamayan ng bansa, ang mga taxpayers ay may kolektibong obligasyon na magbayad ng tamang halaga at sa tamang oras.
Ang mga kita na nabuo ng pamahalaan ay nagbibigay-daan sa pagpapatupad ng iba’t ibang mga programa at proyekto na kinakailangan upang isulong ang paglago ng ekonomiya.
Ayon sa senador, nagtakda ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng revenue collection target na ₱2.5 trillion para sa 2023 kumpara sa actual tax haul noong nakaraang taon na ₱2.3 trillion.
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 32-2023, ang mga taxpayers ay maaari nang maghain ng kanilang 2022 Annual Income Tax Return (AITR) bago ang deadline ng Abril 17 at magbayad ng kaukulang buwis.
Nanawagan din si Gatchalian sa Bureau of Internal Revenue na pabilisin ang digitalization nito para mas maging madali para sa mga taxpayers na bayaran ang kanilang mga obligasyon.
















