Matagumpay na napigilan ng mga security forces sa probinsiya ng Sulu ang planong pagpapasabog ng teroristang grupo sa Barangay Walled City, Jolo, Sulu.
Sa report ng Joint Task Force (JTF)-Sulu, nagsasagawa ng “panelling” ang mga government forces sa pangunguna ng Philippine Coast Guard Explosive Ordnance Disposal (EOD) team sa Jolo pier nang makadiskubri ng kahina-hinalang abandonadong bagahe sa pagitan ng Harbor Master at Maritime Police Office bandang alas-6:02 kagabi, Setyembre 19.
Mabilis na dineploy ang K-9 sniffing dog na umupo sa nasabing bagahe, sunod ang maingat na inspeksyon kung saan narekober ang dalawang electric blasting caps, isang rifle grenade, isang spark plug, at concrete nails.
Kaagad namang kinordon ng mga tropa ng 35th Infantry Battalion ang lugar.
Rumesponde rin sa lugar ang EOD team ng Sulu Police Provincial Office at Jolo Municipal Police Station.
Samantala, pinuri ni 11th Infantry Division at JTF-Sulu Commander B/Gen. William Gonzales ang mabilis na aksyon ng mga security forces.
“I commend our troops and our partners for this accomplishment. You saved the lives of the innocent people and foiled this terroristic activity of our heartless enemies,” pahayag ani B/Gen. Gonzales.
Ayon naman kay Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., dahil sa pinalakas na intelligence operations at pinalakas na ugnayan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at iba pang mga security agencies kaya napigilan ang planong pagpapasabog ng teroristang Abu Sayyaf sa Sulu.