-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Umabot na sa ₱2,000,000.00 ang kabuuang halaga ng reward na iniaalok para sa sinumang makapagtuturo at hahantong sa pagkakadakip ng mga riding-in-tandem suspects na bumaril at pumatay sa media personality na si Erwin ‘Boy’ Segovia, alyas Boy Pana, kaninang umaga sa Barangay Mangagoy, Bislig City, Surigao del Sur.

Ito ay matapos unang mag-alok ng ₱1,000,000.00 na pabuya si dating Cantilan Mayor Carla Lopez-Pichay, na sinundan ng kaparehong halaga mula sa magkapatid na sina Surigao del Sur 2nd District Rep. Alexander ‘Ayec’ Pimentel at Governor Johnny Pimentel.

Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan na si dating Mayor Pichay sa mga lokal at pambansang ahensiya ng law enforcement upang mahanap at mapanagot sa batas ang nasa likod ng krimen na mariin niyang kinokondena.

Ayon sa kanya, hindi siya titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga responsable sa karumal-dumal na krimen.