-- Advertisements --

Nasabat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tangkang pagpuslit ng iligal na droga sa isang hotel sa Bonifacio Global City sa Taguig, na ginagamit bilang isolation area.

Nabatid na magkahiwalay na oras ang delivery ng dalawang rider ng shabu sa dalawang returning OFWs na nasa loob ng pasilidad.

Ayon sa PCG Task Group Bantay Bayanihan, bandang alas-4:00 ng hapon nang dumating ang unang rider na may dalang package kung saan sa online declaration ng sender ay may lamang damit at cellular phone.

Pero nang siyasatin ng PCG at Bureau of Quarantine, doon na tumambad ang plastic na may lamang shabu sa likod ng cellphone cover.

Gayunman, lumabas na walang alam ang rider sa laman ng kinuhang package.

Makalipas ang halos dalawang oras, isa pang rider ang dumating sa isolation area at nagpakilalang pinsan ng isa pang balik-bayan.

Idinadahilan nito na magdadala siya ng damit, ngunit nakitaan din ito ng ipinagbabawal na gamot.

Bunsod nito, kakasuhan na ang dalawang OFW kahit naka-quarantine.

Maging ang isang rider ay damay din sa kaso dahil sa pagsisinungaling at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.