-- Advertisements --

Nasawi ang isang indibidwal habang 5 ang sugatan matapos maaksidente ang sinasakyang bongo truck noong Sabado ng umaga, Agosto 9, sa bayan ng Antequera Bohol.

Nakilala ang nasawi na si Hilburcio Mahinay.

Kabilang naman sa mga sugatan at nagtamo ng minor injuries ang drayber ng sasakyan na si Rosendo Tongco, Sr., 66 anyos; at mga pasahero nitong sina Ernesto Tongco, 37 anyos; Efren Onod, 48 anyos; isang 15 anyos na lalaki at isang 6 na taong gulang na bata.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PMSg Reynaldo Lumbay ng Antequera Municipal Police station sinabi nitong batay sa inisyal na imbestigasyon,nagbibiyahe ng bermuda grass ang sasakyan patungo sa bayan ng Balilihan nang mangyari ang aksidente.

Pagdating pa sa pababang bahagi ng lugar, nawalan umano ng kontrol ang driver ng sasakyan dahilan upang ito ay lumihis at bumangga sa gilid ng kalsada malapit sa tulay.

Agad pang isinugod sa pagamutan ang mga biktima matapos nagtamo ng minor injuries dahil sa impact ngunit sa kasawiang palad ay idineklarang dead on arrival si Mahinay.

Paglilinaw naman ng pulisya na hindi nakainom ang driver ng bongo truck bago maganap ang aksidente at self-inflicted accident ang nangyari.

Paalala naman nito sa publiko lalo na sa mga motorista na laging tiyakin ang kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang kahalintulad na mga aksidente sa kalsada.