-- Advertisements --

Posible na magkaroon ng isa pang pagsabog sa Taal Volcano, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Sa kanilang latest advisory, sinabi ng PHIVOLCS na aabot kasi sa averaged 14,699 tonnes kada araw ang volcanic sulfur dioxide o SO2 gas na ibinubuga ng Taal Volcano.

Sa isang panayam naman, sinabi ni PHIVOLCS director Renato Solidum na kapag masyadong mataas ang gas katulad ng nangyari noong Lunes at Martes ay posibleng magkaroon ng kasunod na pagsabog.

Huwebes ng inilagay sa ilalim ng Alert Level 3 ang bulkan kasunod nang pagsabog nito ng isang kilometrong taas na phreatomagmatic plume.

Sa ngayon, patuloy na inaabisuhan ng PHIVOLCS na lumikas na ang mga residente sa Taal Volcano Island at high-risk barangays ng Bilibinwang at Banyaga, Agoncillo at Buso-buso, Gulod, at eastern Bugaan, Laurel, Batangas Province.

Hindi na rin aniya dapat payagan sa ngayon ang lahat ng mga aktibidad sa Taal Lake.

Ang mga komunidad sa palibot ng naman ng Taal Lakeshore ay pinapayuhan ding manatiling mapagmatyag, mag-ingat sa posibleng pagkakaroon ng airborne ash at vog , at kalmado ring maghanda sa posibleng paglikas sa oras na lumala ang sitwasyon.