-- Advertisements --

Arestado ang limang high-value drug suspects a matapos buwagin ng Taguig City Police at Southern Police District (SPD) ang umano’y isang drug den sa Villa Street, Barangay Central Bicutan.

Nasabat sa buy-bust operation ang nasa 160 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱1.08 milyon.

Kinilala ng Taguig PNP ang mga naarestong suspects na sina alias “Jemai,” 34; alias “Mohaimen,” 37; alias “Moonderf John,” 32; alias “Mark Anthony,” 41; at alias “Erwin,” 60-anyos na siyang maintainer ng drug den.

Bukod sa shabu, narekober din ang buy-bust money, isang cellphone at iba pang gamit na may kaugnayan umano sa transaksyon.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, kabilang ang illegal sale at possession of dangerous drugs.

Ayon kay Taguig City Police Chief Police Colonel Julius Añonuevo, magpapatuloy ang kanilang operasyon , kasabay ng pagsuporta sa zero-tolerance policy ni Mayor Lani Cayetano laban sa illegal drugs.