-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Tukoy na umano ng mga otoridad ang suspek sa pagpslang sa isang pulis sa Batuan, Masbate.

Una nang pinagbabaril si Staff Master Sergeant (PSMS) Oscar Alegada, 43, habang nakatayo sa may highway ng Brgy. Canvañez at nakikipag-usap sa ilang tauhan ng pulisya.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt. Luis Olicia, hepe ng Batuan PNP, positibong itinuro ng mga nakakita sa pangyayari na si Ali Llabres alyas “Butchoy”, 32, na residente ng Brgy. Royroy sa kaparehong bayan ang suspek.

Naniniwala ang pulisya na pagganti ang posibleng motibo sa krimen ng suspek na napag-alamang bodyguard ni dating Mayor Charmax Jan Yuson.

Subalit inaalam pa sa ngayon ng mga otoridad ang puwedeng naging alitan o pinagmulan ng gulo ng dalawa.

Lumalabas sa imbestigasyon na nakatalikod ang pulis na chief investigator ng Batuan PNP nang pagbabarilin sa ulo ng suspek, gamit ang hindi pa matukoy na kalibre.

Patuloy namang pinaghahanap sa ngayon ang nasabing suspek na nananatiling at-large.