-- Advertisements --

Nahuli na ang mga suspek sa pagnanakaw ng brass markers ng World War II momument sa Barangay Alabang, Muntinlupa ayon sa pamahalaan ng lungsod.

Una nang nagbigay ng pabuya si Mayor Ruffy Biazon ng P100,000 para sa makakapagturo ng impormasyon ng mga suspek.

‘Magbibigay ako ng Reward na ₱100,000.00 para sa impormasyon para makilala at mahuli ang kumuha ng mga brass na plake na nagsilbing marker sa monumento ng mga bayani sa plaza ng barangay Alabang,’ post ni Biazon sa kanyang Facebook account.

Nabatid na nahuli na ang mga suspek sa pamamagitan ng koordinasyon ng mga pulis at opisyal ng barangay. Inamin ng mga ito na ibinenta nila ang markers sa isang junk shop, na ngayon ay kasama din sa sasampahan ng kaso sa ilalim ng Anti-Fencing Law.

Ayon kay Mayor Ruffy Biazon, agad siyang nagtungo sa PNP station sa Alabang Junction para personal na silipin ang kaso. May posibilidad umano na natunaw na ang mga brass marker, batay sa paunang imbestigasyon.

Matatagpuan ang monumento sa plaza ng Barangay Alabang, at tuwing Pebrero 4, ginugunita ng lungsod ang kabayanihan ng mga gerilya.

‘Sa plakeng ninakaw na nakakabit dito nakalista ang pangalan ng mga beteranong gerilya na lumaban para sa kalayaan ng mga Muntinlupeño. Tuwing February 4 natin ginugunita ito,’ dagdag pa ni Biazon.