-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magdadala ng maulap na papawirin at pag-ulan ang dalawang weather system na Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies sa ilang bahagi ng bansa sa susunod na 24 oras.

Batay sa weather forecast ng PAGASA nitong Linggo, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang mga rehiyon ng MIMAROPA, Visayas, Zamboanga Peninsula, Caraga, at Northern Mindanao dahil sa ITCZ na maaaring magdulot ng flash floods o landslides.

Ayon sa state weather burea ang ilang natitirang bahagi ng Mindanao, ay asahan na ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may panaka-nakang pag-ulan dahil pa rin sa ITCZ.

Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms dulot ng easterlies.

Babala ng weather bureau, maaaring magdulot ng flash floods o landslides ang matitinding thunderstorms.

Katamtaman hanggang malalakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan ang inaasahan sa extreme Northern Luzon, habang banayad hanggang katamtamang hangin at katamtaman hanggang bahagyang maalon na karagatan naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng bansa.