Biglang binuksan ngayong Huwebes, Oktubre 16 ang Super Health Center sa Antipolo City na mahigit isang taon nang nakatengga mula nang makumpleto ito noong Hulyo 2024.
Ayon sa Department of Health (DOH), nanatiling nakatiwangwang ang naturang health center sa kabila pa ng paulit-ulit na pangungulit ng ahensiya na gawin itong operational na para mapakinabangan ng taumbayan ang P19.5 milyong kabuuang pondong ginastos para sa pagpapatayo ng naturang pasilidad.
Ngayong araw ng Huwebes, ayon sa DOH, agad na binuksan ang naturang health center nang malamang bibisitahin ito ni Health Secretary Ted Herbosa kasama ang media.
Ito naman ang unang araw ng operasyon ng naturang health center na magsisilbi ding primary care facility.
Ipinaliwanag naman ni Sec. Ted Herbosa na kaniyang binisita ang naturang health center matapos malaman na nakumpleto na itong maipatayo subalit nananatili pa ring hindi operational at naka-padlock.
Sa isinagawang inspeksiyon ng kalihim, nakita naman nito ang mga equipment na aniya’y pinondohan ng P5 million, kabilang na ang examining table, emergency cart, x-ray at laboratories.
Ayon pa kay Sec. Herbosa, mayroong 3 kwarto sa ground floor at 2 naman sa ikalawang palapag ng super health center.
Ipinaliwanag naman ng City Health officer kung bakit ngayon araw lamang binuksan ang naturang health center. Aniya, may ilang pang mga equipment o gamit na kasalukuyang binibili at pinupunan din ang kinakailangang manpower.
Una ng sinabi ng DOH na tahimik itong nagiimbestiga sa mga Super Health Center na hindi operational. Subalit, inaasahan naman ng ahensiya na bibilis pa ang proseso ng mga lokal na pamahalaan para gawing operational ang mga nakatenggang istruktura ngayong isinapubliko na ng ahensiya ang pagsuyod sa mga super health centers.
Sa ngayon, ayon kay Sec. Herbosa mayroon na lamang 296 health centers ang hindi operational.