Hindi na maaaring maging security escort ng mga government at civilian officials ang mga sundalo.
Ito ay base sa inilabas na panibagong guidelines ng Department of National Defense (DND).
Sa inilabas na statement ni Defense Spokesperson Director Arsenio Andolong, nakasaad sa bagong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Executive Order (EO) 98 Series of 2019 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi na papayagan ang mga military personnel na magsilbing bodyguards ng mga government at civilian officials.
Ayon kay Andolong, base sa bagong IRR ay maaari lamang maging security escort ang mga sundalo sa mga entitled civilian offices at officials bilang aide-de-camp, military assistants o military administrative assistant.
Binigyang-diin ni Andolong, na ang mga kasalukuyang military personnel na naka-assign bilang mga bodyguard ay hindi na mae-extend.
Kaugnay nito, ipinauubaya na sa Philippine National Police (PNP) ang pagbibigay ng security escort sa mga nasabing indibidwal.
Maglalabas din ng magkahiwalay na rules and regulations ang DND at Department of the Interior and Local Government para sa agarang implementation ng EO 98.
Ang mga maaari lamang na magkaroon ng military assistants sa ilalim ng bagong IRR ay ang Senate president, Speaker of the House, National Security Adviser, at director general ng National Intelligence Coordinating Agency.