Abala na ang House prosecution panel sa masusing paghahanda para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Inilarawan ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang kanilang sitwasyon na tila muling pagbabalik sa paghahanda para sa Bar examinations, dahil halos lahat ng miyembro ng panel ay nagre-review ng rules on evidence at iba pang legal na proseso.
Ayon kay Luistro, nagsagawa ang grupo nitong Miyerkules ng “prosecutors learning from prosecutors” session na pinangunahan ni Rep. Chel Diokno.
Tinalakay dito ang mga patakaran sa ebidensya at mga hakbang sa proseso ng paglilitis.
Kasabay nito, inaayos na rin ng panel ang listahan ng mga testigo, mga dokumento, video, at iba pang ebidensiyang ihaharap para sa bawat artikulo ng impeachment.
Nilinaw ni Luistro na hindi lamang mga papeles ang kanilang ihahain kundi maging iba’t ibang materyales na makatutulong sa pagdinig.
Matatandaang inaprubahan ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, mga isyu sa SALN, umano’y hindi maipaliwanag na yaman, at kontrobersyal na pahayag hinggil sa pagbabanta umano sa Pangulo at iba pang opisyal.
Binigyang-diin ni Luistro na ang impeachment ay hindi lamang simpleng legal na proseso kundi isang mekanismo upang matukoy kung karapat-dapat pang manatili sa puwesto ang isang mataas na opisyal ng gobyerno.















