Naglabas ng update ang International Criminal Court (ICC) hinggil sa kalagayan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nakakulong sa The Hague.
Ayon sa ICC Registry, si Duterte ay itinuturing na “elderly detained person” na may mataas na panganib sa pagkahulog, kaya’t siya ay nasa ilalim ng continuous cell monitoring.
Ipinaliwanag ng ICC na sa mga bihirang pagkakataon na nadapa si Duterte, agad nakatugon ang custody staff upang tulungan siya at kaagad ding tumawag ng medikal na pagsusuri.
Binanggit din ng ICC na wala pang naitalang insidente ng pagkahulog sa nakalipas na tatlumpung araw.
Dagdag pa ng ICC, isinagawa ang mga kinakailangang adjustments sa kanyang selda at mga kagamitan upang masiguro ang kaligtasan at kaginhawaan ng dating pangulo.
Gayunman, hindi ibinahagi ang detalye ng kanyang mga chronic ailments dahil sa medical confidentiality.
Si Duterte, na 81 taong gulang, ay nahaharap sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs at umano’y Davao Death Squad.
Noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng ICC ang mga kaso laban sa kanya, kabilang ang murder at attempted murder.
Ang update mula sa ICC ay naglalayong ipakita na patuloy nilang binabantayan ang kalusugan at kaligtasan ng dating pangulo habang nagpapatuloy ang pag-usad sa kanyang kaso.
















