Pasok sa rank-10 ng March 2026 Licensure Examination for Teachers (LET) ang isang 23-anyos na dalaga mula sa bayan ng Samboan, Cebu.
Si Khery Jane Fernandez na nagtapos bilang cum laude sa Cebu Technological University – (Moalboal-Malabuyoc Extension) Campus, ay nakakuha ng 92.80% rating.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, inamin ni Fernandez na hindi niya inaasahang papasa, lalo na’t marami umano siyang “signs” at pamahiin na ikina-overthink niya bago at habang kumukuha ng exam.
Ayon kay Fernandez, nahulog umano ang kanyang mga lapis habang nag-eexam, bagay na pinaniniwalaang malas at senyales na hindi papasa.
Bukod dito, napalingon din siya habang nasa testing center dahil hindi siya pamilyar sa lugar, dahilan para lalo siyang kabahan dahil may paniniwalang bawal lumingon habang kumukuha ng board exam.
“Hindi ko inexpect na mapabilang sa Top 10, kala ko talaga na di ako papasa kasi there were many signs na hindi ako papasa. like una, nahulog yung mga pencils ko and dun ko lang na realize na bawal pala yun. Pangalawa, lumingon ako. Kasi kasali yung sa pamahiin na bawal lumingon. Di pa naman kasi ako familiar sa testing center kasi I’m from the province and it’s my first time to be here sa city,” saad ni Fernandez.
Dagdag pa niya, bago pa man ang review sessions ay nakaranas siya ng anxiety at pagdadalawang-isip kung itutuloy ang pagkuha ng LET.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy niya ang laban sa pamamagitan ng dasal at pagdalaw sa Birhen sa Simala sa Sibonga, Cebu.
“Months before the review session, palagi akong kinakabahan Like anxiety symptoms ang aking naramdaman. That’s why nagdadalawang isip ako na magproceed sa pagtake. but in my mind, naumpisahan ko na kaya tinuloy-tuloy ko na. And then I overcome those by praying to God and I visited and prayed sa Birhen sa Simala sa Sibonga,” dagdag pa nito.
Sinabi rin ng dalaga na hindi siya yung tipo ng reviewee na buong araw nag-aaral.
Nagpapahinga rin umano siya sa panonood ng K-drama at paglalaro ng online games kapag napapagod.
Ngunit isang linggo bago ang exam, dineactivate niya ang kanyang social media accounts at inalis ang online games upang makapag-focus.
Binigyang-diin pa niya ang kahalagahan ng disiplina at sakripisyo sa pag-abot ng pangarap.
Sa kabila ng pagiging mahiyain, sinabi niyang mas lalo niyang minahal ang propesyon ng pagtuturo matapos ang kanyang internship at nais niya itong ipagpatuloy.
Aniya, “It’s very important to have self-discipline. I learned that if you really want to achieve something, you really need to sacrifice your time and set aside those things that distract you so you can focus.”














