Libo-libong pasahero ang naantala ang biyahe sa pangunahing paliparan ng Kenya matapos pumasok sa ikalawang araw ang “go-slow strike” ng mga empleyado roon.
Ang naturang kilos-protesta sa Jomo Kenyatta International Airport ay pinangunahan ng Kenya Aviation Workers’ Union (KAWU) bunsod ng hindi pagkakasundo sa collective bargaining agreement at kawalan ng kooperasyon mula sa mga kinauukulang awtoridad ng paliparan at airline companies.
Dahil sa sitwasyon, ilang paliparan at airline ang nagkansela ng kanilang mga biyahe patungong Nairobi dahil sa mga naging problema sa air traffic control.
Inabot ng higit 12 oras ang ilang pasahero sa paghihintay sa paliparan bago tuluyang naabiso na kinansela o inilipat sa susunod na araw ang kanilang mga flight.
Patuloy naman ang pakikipagpulong ng pamunuan ng KAWU sa mga opisyal ng pamahalaan upang resolbahin ang usapin, ngunit nananatiling umiiral ang strike habang nagpapatuloy ang negosasyon.















