LAOAG CITY – Naideklara ang State of Calamity sa lungsod ng Batac sa Ilocos Norte matapos masunog ang palengke.
Ayon kay Fire Senior Inspector Hendriech Gudoy, City Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa lungsod ng Batac, alas-9:07 ng gabi nang matanggap nila ang ulat tungkol sa insidente.
Naideklara namang fire out ng alas-6:00 ng umaga ngayong araw ang sunog na sumiklab sa pampublikong palengke sa naturang lungsod matapos ang mahigit siyam na oras na operasyon ng mga bumbero.
Agad namang rumesponde ang mga bumbero, ngunit nagkaroon ng kaunting pagkaantala dahil sa mahinang pressure ng mga fire hydrant sa lugar.
Gayunman, nakahanap sila ng alternatibong mapagkukunan ng tubig mula sa mga kalapit na establishimento upang maipagpatuloy ang pag-apula ng apoy.
Pagdating ng mga rumespondeng bumbero, malaki na ang apoy.
Ayon kay Gudoy, tinatayang apat na ektarya ang lawak ng palengke at lumalabas na halos kalahati nito ang natupok ng sunog.
Ilan sa mga stall owner ang nakapagsalba ng ilan sa kanilang mga paninda at kagamitan ngunit may mga tindero ring wala nang nagawa kundi panoorin ang pagkatupok ng kanilang kabuhayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa dry goods section, kung saan matatagpuan ang mga grocery, bentahan ng bigas, at mga karinderya.
Tumulong sa pag-apula ng apoy ang mga bumbero mula sa mga karatig-bayan at karatig-probinsiya. Sa kabuuan, 27 fire truck ang ginamit sa operasyon.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala.
Samantala, tiniyak ni Batac City Mayor Markee Chua na magbibigay ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong tindero. Pansamantala munang ililipat sa Bagsakan Center ang kanilang mga puwesto habang isinasagawa ang mga susunod na hakbang matapos ang insidente.
Ayon sa alkalde, aabot sa 200 stalls ang naapektuhan ng sunog.
Wala namang naitalang nasugatan sa naturang insidente.















