-- Advertisements --

Nagdeklara na ang gobyerno ng Sri Lanka ng state of emergency matapos ang mapaminsalang mga pagbaha at mudslide dulot ng Cyclone Ditwah na kumitil na ng lagpas sa 330 katao.

Ito na ang itinuturing na isa sa pinaka-mapaminsalang bagyo na nanalasa sa mga nakalipas na taon sa naturang bansa.

Mahigit 200 katao din ang patuloy na nawawala habang 200,000 kabahayan ang napinsala, na nagpa-displace sa 108,000 indibidwal patungo sa state-run temporary shelters.

Ayon sa mga opisyal, nasa one-third ng bansa ang walang suplay ng kuryente o tubig.

Inihayag naman ni Sri Lankan President Anura Kumara Dissanayake na ito na ang pinaka-challenging na kalamidad na tumama sa kasaysayan ng kanilang bansa at matindi aniya ang pinsalang iniwan nito kung saan nakakabigla aniya ang tinatayang halaga para sa muling konstruksiyon ng mga nasira.

Nagsagawa naman na ng mga paglikas sa ilang mga lugar kasabay ng mabilis na pag-apaw ng tubig mula sa Kelani River.

Base sa isang residente mula sa central Sri Lanka, nasa 15 kabahayan sa kaniyang lugar ang nabaon sa ilalim ng malalaking bato at putik at wala sa mga residente ang nakaligtas.

Pinakamalaking bilang ng mga nasawi ay naiulat sa Kandy at Badulla, kung saan maraming mga lugar ang hindi pa rin marating.

Kaugnay nito, umapela na ang Sri Lankan government para sa international aid at hinimok ang mga Sri Lankans na nasa abroad na mag-donate ng pera para suportahan ang mga apektadong komunidad.