-- Advertisements --

Naglunsad ang Israel ng mga tinawag nitong “preemptive strikes” laban sa Iran, ayon kay Israeli Defense Minister Israel Katz, kasabay ng pagdeklara ng state of emergency sa buong bansa.

Pahayag ng opisya, kasunod ng preemptive strike ng State of Israel laban sa Iran, inaasahan ang agarang pag-atake ng mga missile at drone laban sa Israel at sa mga sibilyan nito.

Iniulat ng Iranian state media na ilang pagsabog ang sunod-sunod na narinig sa kabisera ng Tehran, habang patuloy na tumitindi ang tensyon sa rehiyon.

Isang opisyal ng Estados Unidos ang nagsabing walang direktang partisipasyon o tulong mula sa US sa mga isinagawang pag-atake ng Israel sa loob ng Iran.

Kinumpirma rin ng isang Israeli official na ilang beses na nagpulong ang National Security Cabinet ng Israel magdamag bago isinagawa ang opensiba.

Samantala, isinara na ng Israel ang kanilang airspace hanggang sa susunod na abiso, ayon sa Ministry of Transportation ng bansa.

Ang panibagong hakbang militar na ito ay naglalagay sa rehiyon sa mas matinding panganib ng malawakang sagupaan, habang nakaamba ang mga posibleng pag-atake mula sa Iran bilang ganti.