Naniniwala si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang paglagda sa P170.6 billion Public Private Partnership concession agreement ay lalong magpapa-angat sa antas ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na maging isang “world-class” standard na paliparan.
Sinabi ni Speaker Romualdez malaking pakinabang sa ekonomiya ng bansa kapag mapapabuti ang mga pasilidad sa loob ng paliparan, magpapalakas din ito sa turismo at maging sa ekonomiya at magpapaigting sa connectivity sa global markets.
Sinamahan ni Speaker Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Executive Secretary Lucas Bersamin para tunghayan ang paglagda sa PPP agreement nina SMC President at CEO Ramon Ang, Transportation Secretary Jaime Bautista, at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Jose Ines.
Pinuri naman ni Romualdez ang magandang collaborative efforts ng administrasyon ni Pangulong Marcos, Jr. at ng private sector stakeholders sa pagsusulong ng mga mahahalagang proyekto.
Binigyang-diin ni Speaker na ang rehabilitation at operation ng NAIA sa ilalim ng PPP framework ay nagpapakita sa hindi natitinag na commitment ng Pangulong Marcos sa pagtataguyod ng napapanatiling paglago sa transportation infrastructure.
Ibinahagi din nito ang kahalagahan ng PPP project para mapaganda pa ang paliparan lalo ngayon na tumataas ang demand sa domestic at international travelers.
Siniguro naman ni Speaker Romualdez ang suporta ng Kamara para tiyakin na matagumpay ang pagpapatupad sa mga transformative na mga proyekto para sa paglago ng bansa.