-- Advertisements --

Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez sa mga Pilipino na magbigay-pugay sa mga bayani sa pamamagitan ng pagprotekta sa demokrasya, pagtataguyod sa inclusive development at pagkakaisa tungo sa adhikain ng Bagong Pilipinas.

Sa mensahe ni Speaker Romualdez ngayong 127th Independence Day, sinabi ni Romualdez nito na hindi lamang paggunita sa nakaraan kundi isang panawagan para palakasin ang kasalukuyan at siguruhin ang hinaharap.

Ipinapaalala aniya ng selebrasyon na ang kalayaan ay dapat ipagtanggol, alagaan at gamitin upang iangat ang buhay ng bawat Pilipino.

Binigyang-diin ni Speaker na ang katapangan ng mga bayani ay naglatag ng pundasyon para sa soberanya at pagiging demokratikong bansa.

Pinagtibay din ng Kamara ang tungkulin na panatilihin ang mga mithiin ng mga ninuno sa pamamagitan ng mga batas na nagtataguyod sa demokrasya, pinoprotektahan ang karapatan at isinusulong ang tunay at inklusibong kaunlaran.

Dagdag pa ni Romualdez, kanilang tutuparin ang mga reporma na nakaugat sa transparency, pananagutan at paglilingkod dahil ang tunay na kalayaan ay nangangahulugan umano ng pagbibigay ng pagkakataon na makamit ang pangarap ng taumbayan.