-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala si Speaker Martin Romualdez hinggil sa napaulat na presensiya ng dalawang Chinese research vessels na umaaligid sa Philippine Rise na bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Diniklara ni Speaker Romualdez na ang Philippine Rise ay isang mahalagang bahagi ng teritoryo ng bansa at binigyang-diin na ang anumang hindi awtorisadong presensya o aktibidad ng mga dayuhang sasakyang-dagat sa lugar ay lumalabag sa mga karapatan ng soberanya ng bansa.

Sinabi ni Speaker hindi ikokompromiso ng Pilipinas ang integridad ng teritoryo nito at hindi pahihintulutan ang anumang panghihimasok sa mga karapatan nito sa soberanya at pangalagaan ang maritime domain.

Binigyang-diin ni Speaker na mahalaga ang Philippine Rise dahil isa itong mahahalagang yamang dagat na mayaman sa biodiversity at potential para sa scientific research at maging sa economic opportunities ng bansa.

Sinabi ni Speaker Romualdez sa pagtugon sa isyu ng mga sasakyang pandagat ng China na nagsasagawa ng mga aktibidad sa pagsasaliksik sa Philippine Rise nang walang kaukulang pahintulot, kailangan ng transparency at pagsunod sa mga internasyonal na batas at protocol.

Nanawagan ang house leader sa mga bansa na respetuhin ang karapatan ng Pilipinas sa teritoryo nito.

Ayon sa house leader nananatiling matatag ang go byerno sa mandato nito na protektahan ang soberenya at panatilihin ang national interest ng bansa.

Ipinunto din ni Spealer na kailanman hindi papayag ang pamahalaan na kahit isang pulgada sa teritoryo ng bansa ay mapunta sa mga mananakop.