Inanunsyo ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na makatatanggap ng tig-₱7,000 na direktang cash assistance ang isang milyong magsasaka ng palay sa ilalim ng 2026 national budget, bilang bahagi ng pinalawak na suporta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa sektor ng agrikultura.
Sinabi ni Dy na ang tulong-pinansyal ay makatutulong upang makabawi ang mga magsasaka mula sa pagkalugi dulot ng mababang presyo ng palay.
Layon ng financial na tulong upang maibsan ang kanilang pagkalugi dulot ng mababang presyo ng palay.
Ipinunto niya na ang nasabing programa ay alinsunod sa Executive Order No. 93 na pansamantalang nagsususpinde ng pag-aangkat ng bigas upang maprotektahan ang lokal na produksyon laban sa oversupply at pagbagsak ng presyo.
Sinabi ni Speaker Dy na hiniling din nila sa Pangulo na gawing cash ang lahat ng uri ng subsidiya mula sa Department of Agriculture, tulad ng seed subsidy, upang mas madali at direktang mapakinabangan ito ng mga magsasaka.
Inihayag ni Dy na sa kaniyang lalawigan sa Isabela, maraming magsasaka ang napipilitang ibenta ang kanilang palay sa halagang ₱8 kada kilo malayo sa ₱16 hanggang ₱18 kada kilo na kinakailangan upang mabawi ang gastos sa produksyon.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga pangmatagalang reporma sa pamamagitan ng isinusulong na Rice Industry and Consumer Empowerment o RICE Act, na kabilang sa mga pangunahing panukalang batas ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Layunin ng RICE Act na palakasin ang National Food Authority (NFA) upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa sa pamamagitan ng rebisyon ng charter ng ahensya.