-- Advertisements --

Nanawagan si Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na magkaisa sa pagtulong sa mga Pilipinong apektado ng mga nagdaang kalamidad, at binigyang-diin na nasusukat ang tunay na pamumuno sa dedikasyon, malasakit, at pagkilos sa panahon ng krisis.

Sa kanyang talumpati sa pagbabalik-sesyon ng Kamara, sinabi ni Dy na ang tunay na paglilingkod publiko ay hindi natatapos sa paggawa ng mga batas, kundi sa pagiging handang kumilos at magbigay pag-asa sa mga panahong labis na kinakailangan ito ng mamamayan.

Ayon sa lider ng Kamara, nauunawaan at buong-suporta ng pamunuan ang mga kongresistang nanatili sa kani-kanilang distrito upang personal na pangunahan ang mga operasyon sa relief at rehabilitasyon matapos manalasa ang mga bagyong Uwan at Tino sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Mula sa kanyang lalawigan sa Isabela, tiniyak ni Dy na nakikiisa ang buong Kamara sa mga pamilyang nasalanta ng magkakasunod na bagyo, at nangakong makikipagtulungan ang Kongreso sa mga kinatawan upang maihatid ang agarang tulong at maisulong ang pangmatagalang rehabilitasyon.

Ibinahagi rin ni Dy na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Kamara sa mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos, mabilis, at pantay na pagpapatupad ng mga programa para sa relief, rehabilitasyon, at paghahanda sa mga darating pang kalamidad.