-- Advertisements --
Senate President Tito Sotto III

Ibinahagi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kaniyang pananaw ukol sa pagpili ng susunod na pinuno ng mataas na kapulungan ng Kongreso.

Sa gitna ito ng mga espikulasyon na may napili na ang mga senador na itatalagang kapalit ni Sotto para sa 19th Congress.

Para sa lider ng kapulungan, hindi naman kailangang abogado ang magiging susunod na presidente ng Senado.

Katunayan, siya umano ay hindi naman abogado, pati na ang iba pang Senate president na sina Manny Villar at Blas Ople.

Pero kung nais man umano ng mga miyembro na abogado talaga ang ihalal na pinuno, nariyan naman sina Sens. Sonny Angara, Pia Cayetano at Francis Tolentino, na pawang attorney-at-law.

Habang ang mga nagbabalik sa Senado na sina Francis “Chiz” Escudero at Alan Peter Cayetano ay pareho ring abogado at humawak pa ng ibang posisyon.

Isa sa matunog na pangalan para sa babakantehing puwesto ni Sotto ay si Sen. Cynthia Villar.

Samantalang malaki rin ang tyansa ni Sen. Imee Marcos na makakuha ng posisyon, bukod pa sa kapatid ito ni presumptive president Bongbong Marcos.

Ihahalal ang susunod na Senate president sa Hulyo 25, na siyang pagbubukas ng susunod na regular session sa Kongreso.