-- Advertisements --

Sinabon ng isang ekonomistang kongresista ang Department of Health (DOH) pagdating sa cost-benefit analysis ng kagawaran sa pagkakaroon ng mass testing sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa virtual hearing ng Health Cluster ng House Defeat COVID-19 Committee, nilektyuran ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang DOH pagdating sa benepisyong makukuha ng bansa sa oras na gumulong na ang mass testing.

Iginiit ni Quimbo na P9 billion lamang ang kakailanganin ng pamahalaan para isailalim sa COVID-19 test ang nasa 10 million Pilipino.

Hindi hamak na mas maliit aniya ito kung ikumpara sa P18 billion na nawawala sa kita ng pamahalaan kada araw dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic sa economic activities sa bansa.

Binigyan diin ni Quimbo na dapat isama sa mass testing ang asymptomatic cases para ma-control ang pagkalat ng nakakamatay na sakit na ito.

Ayon sa kongresista, hindi matukoy ngayon kung ilan ang asymptomatic incident sa bansa dahil sa kawalan ng mass tessting.

Hindi aniya maaring idahilan ang kawalan ng pondo para hindi makapagsagawa ng mass testing dahi hindi anya ito maituturing na mahal kung pag-uusapan ang benepisyo.

Dumipensa naman si DOH Usec. Rosario Vergeire at iginiit na hindi problema ang pondo kundi ang kapasidad sistema ang dahilan kung bakit hindi pa makakapagsagawa ng mass testing sa ngayon.

Ayon kay Vergeire, hirap na sa ngayon ang mga laboratoryo sa bansa sa buhos ng test samples na pumapasok sa kanila katulad na lamang ng ilang mga ospital na 10 hanggang 14 na araw nang nahihintay ng resulta ng kanilang ipinadalang COVID-19 test samples.

Gayunman, patuloy naman nilang sinisikap na bilisan ang paggawad ng lisensya sa mga laboratoryo para makapagproseso na rin ang mga ito ng COVID-19 test samples.