Kinumpirma ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na matagal niya ng kilala ang lumantad na akusadong testigo hinggil sa pagkawala ng 34 sabungero.
Ito mismo ang ibinahagi ng kasalukuyang kalihim ng kagawaran at sinabi pang kanya na itong nakausap at nakapanayam bago pa mag-eleksyon noong buwan ng Mayo.
Kaya’t aniya’y mayroon na siyang ideya hinggil sa impormasyon o sinabi ni alyas ‘Totoy’ na siyang nagsiwalat na pinatay umano ang mga nawawalang sabungero.
Base din sa mga inihayag ng naturang akusado na ang mga hindi pa natatagpuang 34 na sabungero ay inilibing sa Taal Lake ng Batangas.
Bunsod nito’y binigyang diin ni Justice Secretary Remulla ang kahalagahan na makuha ang mga bangkay o kahit mga buto na lamang ng mga biktima.
Giit kasi niya na ito’y importante upang mapatanuyan at magkaroon ng pruweba sa mga ibinahagi at inilantad ng alyas ‘Totoy’.
Ngunit aniya’y sa kabila ng mga inilantad ng naturang akusado, ang mahalaga raw dito ay determinado siyang maibahagi ang katotohanan na kanyang nalalaman.
“Actually kilala ko na yang testigong sinasabi… Matagal ko ng kilala yan na nakausap kona siya bago pa mag-eleksyon… Kaya I have a very good idea yung sa sinasabi niya,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Dagdag pa rito, inihayag din ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kasalukayan ng pinoproseso ng kagawaran ang mga isinawalat ng kinilalang si alyas ‘Totoy’.
Ibinahagi raw kasi ng naturang lumantad na testigo ang ilang mga pangalan sa likod ng mga nawawalang sabungero na siyang patuloy pa ring pinaghahanap.
Kung saan nasa sampu raw ang mga personalidad na nabanggit na siyang kanila ng iniisa-isa upang isailalim at dumaan sa tamang proseso.
“May mga binanggit na siya sa amin at isa-isa naming nilalatag yan… Hindi ko pa mabilang pero mahigit sampu yan,” ani pa Justice Secretary Remulla.