CAUAYAN CITY – Umaani ng mga papuri ang isang sangguniang kabataan chairman na gumawa ng sariling pamamaraan para makatulong sa mga nasa frontline kaugnay ng ipinapatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Ito ay sa pamamagitan ng paggawa ng mga tinapay na ipinapamahagi sa mga frontliners na nakatalaga sa mga checkpoints sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Jayson Purificacion, SK Chairman ng Labinab, Cauayan City, sinabi niya na dahil natigil ang operasyon ng kanilang bakery sa isang mall sa lunsod ay naisipan niyang ilunsad ang kanilang proyekto para ipakita ang suporta at malasakit sa mga nakatalaga sa mga COVID-19 checkpoints.
Aniya bilang isang SK chairman ay napag-isipan niya na sa halip na maghintay ng tulong mula sa pamahalaan ay siya na mismo ang gagawa ng paraan para makatulong sa pamahalaan kaugnay ng kinakaharap na krisis ng bansa.
Katuwang niya sa paggawa ng mga tinapay ang kanilang mga kasama sa kanilang bakery.
Aniya, marami na ring nagpaabot ng mga mensahe at kagustuhang mga donate ng tubig, kape, itlog at iba pang mga pangunahing pangangailangan.
Hinikayat niya ang mga kapwa kabataan at maykaya sa buhay na kumilos at tumulong sa mga frontliners na exposed sa OVID-19.
Binigyang diin ni Mr. Purificacion ang tunay na kabataan ay dapat gumawa at hindi puro ngawa.