-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Tuluyan nang binago ng Team Pacquiao ang oras ng pagsasanay ni Senador Manny Pacquiao bilang preperasyon sa laban kay Errol Spence sa Amerika.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo GenSan kay Coach Buboy Fernandez, sinabi nito na kahapon ay walang ginawang training ang Team Pacquiao sa Wild Card gym pero nag-jogging naman ang fightining senator sa covered court sa bahay nito kinagabihan.

Sa pahayag ni Fernandez, iniba ang routine para hindi manibago si Pacman kapag sa Amerika na ipagpapatuloy ang training.

Ngayong araw naman, sumailalim sa 12 rounds ng punch mitts ang Pinoy ring icon. Maliban pa ito sa apat na rounds ng punching bag, dalawang rounds ng dancing ball, dalawang rounds rin ng speed ball at skipping rope.

Sa ngayon, kanilang pinag-aaralan ang mga magiging istilo para maging epektibo sa laban kay Spence na itinakda sa darating na Agosto 21 o Agosto 22 na sa Pilipinas.

Napag-alaman na mas istrikto ang Team Pacquiao kung saan ilan lang ang pinapayagan na makapasok sa Wild Card gym dahil sa coronavirus pandemic.