Posible na ang coronavirus disease (COVID-19) vaccine na gawa ng Sinovac Biotech ang gagamitin para sa second dose ni Pangulong Rodrigo Duterte kung sakali na mabigo ang Sinopharm na makakuha ng approval mula sa mga health regulators.
Sinabi ito ni Dr. Rontgene Solante, miyembro ng Department of Science and Technology’s Vaccine Expert Panel (DOST-VEP), matapos na maturukan si Pangulong Duterte ng first dose nito ng Sinopharm vaccine noong Lunes, Mayo 3.
Sa ngayon wala pang emergency use authorization ang Sinopharm mula sa Food and Drugs Administration (FDA) ng Pilipinas.
Sinabi ni Solante na posibleng gamitin ang Sinovac vaccine kay Pangulong Duterte para sa second dose nito dahil magkapareho lang naman aniya ang platform nito sa Sinopharm.
Iginiit ni Solante na dapat mabigyan muna ng emergency use authorization ang isang coronavirus vaccine bago ito payagang magamit sa bansa para matiyak na ligtas at epektibo itong gamitin.
Nabatid na sa ngayon ay nagpapatuloy ang pag-aaral ng vaccine expert panel hinggil sa paghalo-halo ng mga bakuna.