-- Advertisements --

ILOILO CITY – Dumipensa ang pamunuan ng Mount Elizabeth Hospital sa hindi nila pagtulong sa mga Overseas Filipino Workers na casualties matapos inararo ng kotse sa Lucky Plaza Mall sa Orchard Road, Singapore.

Napag-alaman na ang nasabing ospital ay katapat lang ng mall kung saan nangyari ang insidente kaya inulan ng batikos dahil sa hindi pagbibigay ng lunas sa mga pasyente.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bombo International Correspondent Mercy Saavedra Cacan direkta sa Singapore, sinabi nito na ang mga biktima ay dinala pa ng Singapore Civil Defence Force ambulance sa Tan Tock Seng Hospital accident and emergency department.

Ito ay mayroong 10 minuto ang layo sa pinangyarihan ng insidente, sa halip na dalhin sa Mount Elizabeth Hospital na isang pribadong ospital.

Ayon kay Cacan, nagpaliwang mismo ang chief executive officer ng ospital na si Dr. Noel Yeo kung saan sinabi nito na ang Mount Elizabeth Hospital ay hindi kasama sa listahan ng mga medical providers ng Singapore Civil Defence Force.

Nangangahulugan ito na hindi sila maaaring magkusang tumulong kapag walang abiso ng Singapore Civil Defence Force.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.