CAUAYAN CITY , Simula bukas, araw ng Lunes, December 7, 2020 ay bubuksan na ng Southern Isabela Medical Center o SIMC ang kanilang outpatient Department at ang lahat ng serbisyo ng nasabing pagamutan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Ildefonso Costales, Medical Center Chief ng SIMC na 75 isolation rooms ang kanilang binuksan para sa COVID patients habang simula bukas ay bubuksan na ang lahat ng kanilang serbisyo sa non-COVID wards.
Ito anya ay para matulungan ang mga mahihirap na maysakit at tiniyak niya na ligtas ang kanilang Non-COVID ward na hiwalay sa COVID ward at hiwalay din ang mga health workers na nag-aasikaso sa bawat wards.
Samantala, sinabi pa ni Dr. Costales na kasalukuyan ang pag-upgrade nila ng kanilang isolation room para magkaroon negative pressure.
Dumating na rin ang kanilang karagdagang automated testing machine na ibinigay ng Rotary Club International sa pamamagitan ng Rotary Club ng Cauayan para mapadami ang kanilang ma-test na umaabot na sa dalawang daan limampo hanggang dalawang daan pitumpu.
Dahil tinatanggap na anya ng Local Government Units ang mga pasyenteng assymptomatic at mga mild symptoms ang kanilang tinatanggap na lamang sa SIMC ay ang moderate to severe symptoms.
Samantala, nakahanda na rin ang SIMC sa anumang mga kaganapan sa pagsalubong ng bagong taon at kanyang pinapayuhan ang mga mamamayan na iwasan na ang paggamit ng mga paputok upang makaiwas sa disgrasya sa pagsalubong ng bagong taon.