-- Advertisements --

Umapela ang Simbahang Katolika para sa agarang ceasefire sa Gitnang Silangan kasabay ng panawagan sa publiko na labanan ang pagiging manhid sa harap ng mga patuloy na armadong tunggalian.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Rev. Fr. Adrian Louie Atonducan ng Congregation of the Immaculate Heart of Mary, iginiit nito ang kahalagahan ng mapayapang dayalogo.

Ayon sa pari, ang tunay na katapangan ng mga lider ng bansa ay nakikita sa pag-upo upang mag-usap at hindi sa pagpapasabog ng mga bomba.

Nakapaloob din sa mensahe ng opisyal ng simbahan ang panalangin para sa kaligtasan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiipit sa kaguluhan sa rehiyon.

Inihalintulad ni Fr. Atonducan ang kanilang mga sakripisyo sa pasyon ng Panginoon.

Upang magbigay ng pag-asa, ibinahagi niya ang kaniyang naging karanasan sa bansang Haiti kung saan pananampalataya ang tanging naging sandigan ng mga mamamayan sa gitna ng matinding krisis at kawalan ng seguridad.

Bukod sa panawagang pangkapayapaan, ibinahagi rin ng pari ang mensahe ni Santo Papa Francisco para sa World Communications Day na may temang preserving human voices and faces.

Binigyang-diin niya na ang mga biktima ng giyera ay hindi dapat ituring bilang mga statistical data lamang, sapagkat bawat isa sa kanila ay may dignidad at sariling kwento.

Dahil dito, mariing nanawagan si Fr. Atonducan na isabuhay ang empathy over apathy.

Binalaan niya ang publiko na huwag maging desensitized sa tuwing makakarinig ng balita tungkol sa giyera; sa halip ay dapat umanong bigyan ng mukha at boses ang mga apektadong indibidwal.

Pinaalalahanan din ng pari ang mga mananampalataya na ang paggunita ng Semana Santa ay hindi lamang para magbakasyon, kundi isang sagradong panahon upang manumbalik sa Diyos.