-- Advertisements --

Inamin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na posibleng hindi na maabot ng bansa ang inaasam na 8% economic growth target pagsapit ng 2028 bunsod ng patuloy na paghina ng piso at pagsirit ng presyo ng langis.

Ayon sa Pangulo, kailangan nang baguhin ng pamahalaan ang kanilang mga economic projection lalo na’t pumalo na sa ₱60 ang palitan ng piso kada isang dolyar nitong mga nakalipas na araw.

Nilinaw ng punong ehekutibo na may limitasyon ang kapangyarihan ng gobyerno na pigilan ang pagbagsak ng halaga ng pera ng Pilipinas.

Iginiit ni Marcos na hindi praktikal na ubusin ang foreign reserves ng bansa para lamang ipagtanggol ang piso, dahil ang galaw nito ay direktang diktado ng pandaigdigang merkado o world market.

Tinukoy ng Pangulo ang lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan bilang pangunahing dahilan ng pagmahal ng petrolyo.

Dahil lubos na umaasa ang Pilipinas sa imported oil, awtomatikong nagmamahal ang gastos sa pag-angkat ng mga produkto.

Bunsod ng sitwasyong ito, inaasahan na ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Direktang mararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino ang epekto ng krisis sa pamamagitan ng mas mahal na pamasahe sa transportasyon at presyo ng pagkain sa mga susunod na buwan.