Ganap nang batas ang pagpaparehistro ng sim card, matapos itong lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ngayong umaga sa Malacanang.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ng pangulo na matagal na dapat itong naisabatas.
Isa aniya itong epektibong paraan ng pag-regulate ng mga sim card na karaniwang ginagamit sa mga panloloko o spam at scam messages.
Ayon sa pangulo, ang batas na ito ay magbibigay ng mas malakas na panlaban sa pagsasagawa ng mga iligal na aktibidad o krimen.
Sa ilalim ng Sim Card Registration Act, sinabi ng pangulo na obligado ang publiko na may celphone at gumagamit ng sim cards na magparehistro.
Sinumang hindi magri rehistro sa itinakdang panahon ay otomatikong madi-deactivate ang sim card.
Inaatasan naman ang mga telecommunication companies na panatilihing confidential ang pagkakakilanlan ng nagmamay-ari ng sim card.
Maliban na lamang kung may utos ang korte na makuha at isiwalat ang pangalan ng nagmamay ari nito o may hiling ang mga otoridad na ito ay mabunyag dahil sa mga insidenteng ginamit ang sim card sa iligal na gawain o krimen at ito ay kasama sa imbestigasyon ng mga otoridad.
Ito ang kauna unahang panukala na naisabatas ng administrasyong Marcos, na ayon sa pangulo ay napapanahon sa mga nangyayaring iligal na aktibidad gamit ang sim cards.
“We will soon be able to provide law enforcement agencies the tools needed to resolve crimes perpetrated through the use of these SIM cards, as well as providing a strong deterrence against the commission of wrongdoing,” ani Marcos sa kanyang speech. “Any information in the SIM Card Registration shall be treated as absolutely confidential unless access to these info has been granted by the written consent of the subscriber.”