Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Extreme Northern Luzon kasunod ng super typhoon ”Francisco.”
Kabilang ang Batanes, at ilang lugar sa hilagang-silangang Cagayan gaya ng Gonzaga at Santa Ana, pati na rin ang ilang isla ng Babuyan Islands ang maaapektuhan ng bagyo.
Huling namataan ang sentro nito sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan o 450 kilometro silangan ng Aparri.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna, na may pagbugsong umaabot hanggang 230 kilometro kada oras, at may central pressure na 940 hPa.
Kumikilos ang bagyo pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras, habang may hanging lakas na aabot sa 360 kilometro mula sa sentro.
Ayon sa state weather bureau posibleng itaas pa ang pinakamataas na wind signal hanggang Signal No. 2 sakaling magbago pa ang direksyon ng paggalaw ng bagyo patungong kanluran.
Inaasahang patuloy na kikilos ang ST Francisco patungo sa hilagang-kanluran at posibleng lumiko patungong Ryukyu Islands sa Japan. Sa ngayon, inaasahang lalabas ito ng Philippine Area of Responsibility sa Hunyo 26.
Bagama’t hindi direktang tatama sa lupa ang bagyo, pinalalakas nito ang Habagat o Southwest Monsoon, na magdudulot ng malalakas na ulan at hangin sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, at ilang bahagi ng Mindanao.
















