-- Advertisements --

Nilinaw ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na bagaman nakakatulong ang Sierra Madre mountain range na pahinain ang lakas ng mga bagyo, hindi ito nagbibigay ng ganap na proteksyon sa Luzon.

Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw matapos na maraming Pilipino sa social media ang nagpahayag ng pasasalamat sa naturang pinakamahabang kabundukan sa Pilipinas matapos manalasa ang Super Typhoon Uwan sa Hilaga at Gitnang Luzon nitong Linggo, Nobyembre 9.

Ayon sa mga netizen, ang Sierra Madre ang dahilan ng paghina ng bagyo, at nanawagan silang pangalagaan ito laban sa ilegal na pagtotroso, pagmimina, at quarrying.

Gayunman, bagaman kinikilala ng ahensiya na nagsisilbing pananggalang ang Sierra Madre laban sa mga bagyo, hindi nito ganap na napipigilan ang epekto ng mga bagyo.

Bagaman nakatutulong itong bahagyang pahinain o pabagalin ang malalakas na hangin, lalo na sa hilagang-silangang bahagi ng Luzon, hindi raw nito kayang pigilan nang lubos ang pinsala.

Nagbase ang ahensiya sa isinagawang pag-aaral noong 2023 kung saan bumababa lang ng 1–13% ang lakas ng hangin sa pagtama ng bagyo, ngunit tumataas naman ang ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, ng 23–55%.

Base din sa pag-aaral, mas malaki ang epekto ng Cordillera Mountain Range sa pagpapahina ng lakas ng hangin kumpara sa Sierra Madre.

Subalit iginiit ng NDRRMC na dapat pangalagaan ang Sierra Madre dahil ito ay tahanan ng mayamang biodiversity at likas na yaman ng bansa.

Una na ring nilinaw ng American storm chaser na si Josh Morgerman na hindi lubusang pinoprotektahan ng Sierra Madre ang silangang Luzon, na madalas direktang tinatamaan ng malalakas na bagyo.

Matatandaan, nagdulot ng matinding pagbaha, pinsala sa imprastraktura, pagkawala ng kuryente ang Super Typhoon Uwan na kumitil na ng dalawang katao, habang halos 500,000 katao ang naapektuhan sa Hilaga at Gitnang Luzon.