Inalis ni Shuvee Etrata ang kanyang opisyal na X (dating Twitter) account ilang araw matapos siyang mabatikos dahil sa isang video kung saan ipinakita niya ang simpatiya para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Simula noong Linggo, Setyembre 28, hindi na ma-access ng mga netizen ang kanyang X page. Bagamat ganoon, nanatili siyang aktibo sa Instagram, kung saan nagbahagi siya ng mga highlights ng kanyang mga ginagawa noong Sabado, Setyembre 27, na may caption na: “Padayon lang ta” (Let’s just keep going).
Nagsimula ang kontrobersya nang kumalat ang isang screen-recorded video ng aktres na nagpapakita ng kanyang simpatiya sa pagkakaaresto ni Duterte ng International Criminal Court (ICC) noong Marso.
Matapos ang backlash, humingi si Etrata ng paumanhin at nagsabing ayaw na niyang maging bukas sa mga usaping pulitika dahil sa pagiging “divisive” nito.
Samantala pinagtanggol naman siya ng kanyang tiyuhin at handler na si Yure, pati na rin ni Annette Gozon-Valdes, kung saan sinabi nito na hindi naman siya isang “diehard” ng kahit anong politiko.