Nasa 17,730 police personnel mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ipapakalat para magbigay seguridad sa nalalapit Southeast Asian (SEA) Games na magsisimula sa darating na Nobyembre 30.
Kaugnay nito, nanguna si Philippine National Police (PNP) office-in-charge (OIC) Lt. Gen. Archie Gamboa sa send-off ceremony na ginanap sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Ayon kay Gamboa, may inilabas na siyang direktiba sa mga regional police directors hinggil sa deployment ng mga security forces sa panahon ng SEA GAMES.
Wala rin aniya silang namo-monitor na banta sa seguridad sa SEA Games pero patuloy ang kanilang evaluation at assessment.
“For Team PNP, it is extremely important to keep in mind that unity and teamwork are the mantras that we should always carry to ensure success in any given mission; Collectively we should work hard to ensure zero incidents during the 30th SEA Games, borrowing the theme of 2019 SEA Games, together we win as one,” ani Gamboa.
Kasama sa binuong task group para sa SEA Games ang National Capital Region (NCR), PNP, Armed Forces, Office of Civil Defense, local government units at iba pang government agencies.
Sinimulan na ang deployment ng mga pulis noong mga nakaraang araw dahil unti-unti nang nagdadatingan ang mga banyagang atleta.
Tinatayang 19 venues ang tinukoy para sa 24 sporting events sa Metro Manila pa lamang, habang 9,840 participants ang lalahok sa SEA games.
Apat na rehiyon naman ang magiging venue sa sporting activities kabilang ang NCR, Region 4A, Region 3 at Region 1.
Samantala ayon kay B/Gen. Rey Lyndon Lawas, director-PNP Training Service/Commander ng Security Task Force 30th Southeast Asian Games 2019, ang sendoff ceremony kanina ay inisyal lamang dahil magkakaroon pa ng bulto-bultong deployment sa mga darating na araw.
Nabatid na nasa walong eskwelahan sa Metro Manila ang hiniling ng task force para suspendihin ang klase upang hindi makaabala sa mga aktibidad sa SEA Games.
Hihilingin din ng task force na i-delay ang biyahe ng mga malalaking trucks upang hindi rin makaabala sa trapik.