Umalma si Senate President Juan Miguel Migz Zubiri, matapos na mabaligtad at i-deny ng Chinese embassy na kabilang ang Pilipinas sa mga blacklisted na bansa na puntahan ng mga turistang Tsino dahil sa umano’y isyu kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa pahayag ni Senate President Migz Zubiri, sinabi nito na parang lumalabas daw na siya ang “Marites” na nagbibigay ng maling impormasyon na samakatuwid naman daw hindi naman raw iyon fake news.
Dagdag pa ni Zubiri, ang term daw na “blacklist” ay nanggaling mismo kay Chinese Ambassador to the PH Huang Xilian.
Gayundin, willing daw magpresenta si Zubiri sa media ng transcript kung saan binanggit ng Chinese envoy ang blacklisting o possible blacklisting sa Pilipinas.
Sa kabilabng banda, ang kamalian at sisi raw sa Chinese ambassador sapagkat siya ang nagpahayag ng terminolohiyang blacklist.
Ani Zubiri, maninindigan daw siya sa kanyang mga inihayag at hindi ito umano hihingi ng paumanhin.
Aminado naman ang lider ng Senado na kung matuloy ang blacklisting ng Pilipinas sa mga Chinese tourists ay malaking dagok ito sa ekonomiya ng bansa.
Noong taong 2019 ani Zubiri, nasa dalawang milyon daw ang mga turistang Tsino na bumisita na kung susumahin ay may katumbas na bilyong piso ang ibinuhos na gastos habang nasa bansa. (with report from Bombo JC Galvez)