-- Advertisements --

Nanindigan ang isang opisyal ng senado na hurisdiksyon ang Senate Blue Ribbon Committee para imbestigahan ang kabiguan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kolektahin ang umano’y estate tax mula sa pamilya Marcos.

Ayon kay Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, saklaw ng Blue Ribbon panel ang usapin kaya maaaring magkaroon ng motu propio investigation.

Wala rin umanong problema kahit naka-break ang Senado dahil maaari namang idaan ang hearing sa video conferencing.

Para kay Pimentel, kailangang alamin ng Senado kung ano ang mga dahilan ng mga dati at kasalukuyang BIR officials kung bakit bigo silang kolektahin ang estate tax ng mga Marcos kahit pa may finality na ang naging desisyon ng korte rito.

Ang estate tax liability ng mga Marcos ay nagkakahalaga ng P27 billion noong 1997 pero lumobo na ito sa halos P203.819 billion noong 2021 dahil sa interest, surcharges at penalties.

Giit pa ng mambabatas, malaking tulong kung masisingil ang estate tax liability ng mga Marcos na sobra pa sa kinakailangang pondo para pang ayuda sa mga apektado ng pandemya, pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.

Sa panig naman ng mga Marcos, sinabi ni Sen. Imee Marcos na duda sila sa timing ng mga ganitong aksyon dahil lamang sa malapit na ang halalan.